Paraan para ka Yumaman sa Pilipinas

Paraan para ka Yumaman sa PilipinasSa Pilipinas ay kakaunti lang ang mga mayayaman na tao kumpara sa mga naghihirap. Mayroon tayong isang malaking “tatsulok” na kung saan ang mga mayayaman ay nasa itaas at maliit na bahagi lamang. Sa ilalim ng tatsulok na ito ay nandoon ang mga mahihirap na Pilipino na siyang pumapasan sa mga mayayaman. Opo, ang mga mahihirap na Pilipino ang nagpapayaman sa kanila.

Marami sa mga Pilipino ang umaasam na makaahon sa kahirapan upang makaranas naman ng karangyaan sa buhay. Kaya naman sa halos lahat ng dako ng mundo ay may matatagpuan kang Pilipino. Hinahanap nila ang kanilang kapalaran. Kapalaran na hindi matagpuan sa tinubuang bayan.

May mga paraan para yumaman ka dito sa Pilipinas. Ang mga paraan na nandito ay bunga ng kapalaran, pagsusumikap, at swerte na rin. Napakahirap yumaman sa Pilipinas. Pero kung mapapatapat ka sa isa sa mga ehemplo dito ay halos nakasisiguro ka na ng karangyaan sa buhay.

Ipanganak sa mayamang angkan

Ito ay isa sa mga garantisadong paraan para ka maging mayaman. Kung ikaw ay ipinanganak na mahirap, humanda ka nang tumanda na mahirap pa rin. Kapag ipinanganak ka sa mayaman na pamilya, 99% na nakatitiyak ka na mamamatay kang mayaman pa rin or may-kaya sa buhay.

Magtrabaho sa ibang bansa

Alisin na natin sa usapan ang Middle East dahil hindi ka aasenso pag sa Saudi Arabia o mga karatig na bansa ka nagtrabaho. Kailangan mo na magpunta sa Japan, USA, Australia, Canada at mga European na bansa para ka yumaman dito sa Pilipinas. Magtrabaho ka ng maraming taon sa ibang bansa, mag-ipon at saka ka bumalik sa Pilipinas para mag-retiro. Ang tanong, gusto mo pa bang bumalik sa Pilipinas? Pwede siguro kung nandito pa rin ang iyong pamilya.

Pumasok sa Pulitika

Kahit barangay Chairman lang ang posisyon ay posibleng yumaman ka na. Hindi naman masasabing napakayaman pero makakaangat ka sa buhay. Lalo na kung Mayor at pataas ang iyong makukuhang pwesto sa pulitika.

Pumasok ka sa gobyerno

Hindi sa lahat ng pwesto sa gobyerno ay pwede kang yumaman. May mga pwesto lang na kung saan ay mas malaki ang oportunidad na yumaman. Piliin mo ang mga pwesto na may pagkakataon ka na yumaman at halos tiyak ang iyong pag-asenso sa buhay. Customs o BIR kaya? Pwede. Tignan mo rin ang ibang ahensya ng gobyerno na laging nasa balita at nagsisi-yaman ang mga opisyal.

Mangontrata ka ng proyekto sa gobyerno

Kung ikaw ay isang inhenyero at may alam sa konstraksyon, ay dapat maghanap ka na ng padrino upang makakuha ng proyekto sa gobyerno. Gobyerno ang malakas gumastos para sa mga proyekto kaya kung may kapit ka ay siguradong yayaman ka.

Magboksing ka kaya?

Kung may suntok ka at bilis na kagaya ni Pacman, ay mabuti pa sigurong subukan mo ang larangan ng boksing. Ang isport na boksing ay maganda ngayon dahil sa malaki na ang mga pa-premyo sa internasyunal na kumpetisyon. Yun nga lang, humanda ka na magkabarag-barag ang mukha mo sa dami ng suntok na sasaluhin mo.

Droga, gusto mo ba?

Ang iligal na gawaing ito ay isang paraan para ka din yumaman. Kahit na may batas laban sa droga ay sige pa rin ang mga inakay ng lintik na maglako ng droga sa Pilipinas. Aba, ay puro yata intsik ang nahuhuli ng mga autoridad. Ibig sabihin nito ay sila lang ang yumayaman sa negosyong ito. Malay mo nandito ang kapalaran mo. Pero kung makakaiwas at may ibang paraan, ay huwag mo itong pagtuunan ng pansin.

Pwede siguro sa iyo ang Hweteng

Kung ikaw ay may nalalaman sa negosyong ito, ay baka makatulong ng malaki sa iyong pagyaman. Kahit na yata sino ang maupong president sa Pilipinas ay hindi kayang tanggalin ang hweteng sa ating bayan. Hindi bat si Erap pa nga ang natanggal ng dahil sa hweteng? Hwag mo lang sana itong gawing pangunahing paraan sa pagyaman at baka magaya ka kay Vic Siman.

Kidnapping?

Nakupo! Huwag ito at kawawa naman ang mga mayayaman dito sa Pilipinas. Pero kung ito ang linya mo, tiyakin mo lang na dapat ay hindi sunod-sunod ang pandarakma dahil siguradong magiging prioridad ka ng mga alagad ng batas. Magiging maigsi ang buhay mo sa larangang ito.

Subukan mo ang lotto

Kapag wala na talagang magagawa, ay dapat sumubok ka naman sa swerte. Malay mo baka tamaan mo ang malaking jacpot sa lotto at ikaw ang sumunod na maging milyonaryo.

Tumapos ka ng kursong doctor o abugado

Bihira lang ang makikita mong mahirap na doctor at abogado. Mas magaling kung doctor ang pipiliin mo lalo na yung may kinalaman sa pagpapa-anak ng mga sanggol. Kasama na rito ang doctor sa mga bata. Aba, ay para kang tumatabo ng pera sa pagbigay lang ng reseta.

Subukan mo kayang mag-artista

Napakahirap sumikat bilang artista lalo na kung hindi ka mestizo at mayaman. Pero pwede pa rin kung may talent ka na magpatawa kagaya ni Pokwang, Jose Manalo, Wally, Willie Revillame, at Vice Ganda. Ilan lamang sila sa umasenso at yumaman sa Pilipinas dahil sa talento na magpasaya sa publiko. Idamay na rin dito ang hari ng komedyang si Dolphy na laking Tondo at yumaman sa pag-aartista. Kailangan lang mag-umpisa ka sa mababa. Siguro sa mga comedy bars ka muna magpakitang gilas.

Ang hirap dito sa atin kailangan pogi o maganda ka para sumikat agad at kumita sa pag-aartista. Pag ordinaryong Pinoy lang ang karakas, pang komedya at kontrabida lang tayo. Teka, pati nga mga kontrabida mestizo na rin ngayon eh.

Magaling ka bang Kumanta?

Kung may natatangi kang galing sa pag-awit ay mabuti pang sumabak ka na sa larangan ng kantahan. Umpisahan mo sa Youtube at malay mo madiskubre ka ni Oprah or Ellen DeGeneres kagaya ni Charisse Pempengco.

Basketball siguro pwede sa iyo

Matangkad ka ba at magaling maglaro ng basketball? Baka pwede ka mapasali sa PBA team. Pwede ka yumaman dito kung magaling ka kagaya ni Abarrientos nung kapanahunan nya sa Alaska. Hindi naman kailangan sobra tangkad dito sa atin. Kahit 5’8 lang pwede na basta magaling ka mag dribble at shoot lalo na ng 3-points.

Mag-asawa ka ng mayaman

Ito ay magandang stratehiya lalo na ng maraming mga kababaihan. Kung walang mayaman na mapapangasawa dito sa Pilipinas ay tumitingin sila sa ibang bansa at naghahanap ng mapapangasawang dayuhan. Maraming pamilya ang nabubuhay ng maayos dito sa bansa dahil sa suporta ng kamag-anak na may-asawang dayuhan. Kung ikaw ay maganda or pogi, bakit hindi mo gawing layunin ang mag-asawa ng mayaman para sa gayon ay yumaman ka rin.

Go Negosyo daw sabi ng iba

Pwede ka rin yumaman sa pagne-negosyo. Pero kailangan mo dito ay capital. Kung sa tingin mo ay wala kang makakalaban na malaking negosyo sa linyang papasukan mo, ay pwede mo itong subukan. Huwag ka umasa masyado na yayaman sa isang maliit na negosyo. Dapat ay palakihin mo sya para lumakas din ang kita mo. Pakatandaan lamang na sa 100 na taong papasok sa isang negosyo ay 2 lamang ang inaasahang magtatagumpay at yayaman. Ganito kahirap ang pagne-negosyo ng legal dito sa Pilipinas.

Pag-aralan mong mabuti ang iyong mga gagawing hakbang. Sa lahat ng larangan ay kailangan mo na magsumikap at makilala upang umasenso at yumaman. Dapat din na marunong kang makisama at umayon sa agos ng kalakaran lalo na sa gobyerno. Hindi sapat ang SIPAG at TYAGA kung hindi ka naman yayaman. Ang sipag at tyaga ay dapat lang kung pwede kang umasenso sa buhay. Marami sa atin ang puro sipag at tyaga pero hindi pa rin yumayaman. Ito ay dahil wala sila sa pwesto o larangan na pwedeng magpayaman sa kanila.

Sa mga ehemplong nabanggit sa artikulong ito, may mga pwedeng yumaman dahil sa kapalaran o swerte kagaya ng pagiging anak ng mayaman at mayroon din dahil sa pagsisikap. Ang importante ay makita mo sa iyong sarili ang katangian na pwedeng tumulong sa iyo para yumaman. Legal man yan o iligal, moral man o imoral, makakasakit man ng tao o hindi ay nasa iyo ang desisyon kaibigan. Tara na at umpisahan ang ating pagyaman.

Napurnadang Magna Carta Para sa Mahihirap

Ang dokumento na tinatawag na Magna Carta ay isang napakaimportanteng kasulatan o batas na nagbibigay ng karapatan sa isang uri ng mga mamamayan ng estado. Sa kaso ng Philippine Magna Carta for the Poor, ito ay isang kasulatan na dapat maging batas at siyang magtataguyod sa karapatan ng mga mamamayang Pilipino na naghihirap. May limang mahahalagang pundasyon ang kasulatan na isinusulong na maging batas at ito ay ang mga sumusunod:

Karapatan sa Pagkain
Karapatan na magkaroon ng trabaho o kabuhayan
Karapatan sa edukasyon
Karapatan sa pabahay
Karapatan sa kalusugan at iba pang serbisyo publiko
Napakaganda sana ng Magna Carta para sa mahihirap kaya naman ipinasa ito ng Senado at mababang kapulungan ng kongreso. Pero pag-abot sa Malakanyang, ang naturang panukalang batas ay nauntol ng hindi pirmahan at i-veto ni Presidente Pnoy. Wala daw pondo ang gobyerno para ipatupad ang mga probisyon ng batas. Nagpapagawa sya ngayon ng ibang bersyon na aayon sa kapasidad ng gobyerno.

Ano ba namang kabulastugan ito at nagpasa ng batas ang mga matatalinong kongresista at mga Senador na hindi naman pala kayang ipatupad ng gobyerno. Para silang mga Pilato na basta na lang gumawa ng panukalang batas na hindi naman pwedeng isakatuparan ng gobyerno. Si Pnoy naman ay hindi na nagdalawang-isip at agad na tinanggihan na pirmahan ang batas. Maliwanag na napurnada na ang Magna Carta for the Poor ng Pilipinas.

Pagkatapos na pandayin ng Malakanyang ang bagong bersyon ng naturang Magna Carta ay siguradong hindi na katulad ng gustong mangyari ng orihinal na bersyon. Sa orihinal na bersyon kasi ay kailangan na agad ipatupad ang mga karapatan na dapat ibigay sa mga mahihirap na Pilipino. Pero dahil daw hindi kaya ng gobyerno ay siguradong babaguhin ang pagtupad sa mga nasabing karapatan. Malamang sa hindi na hihimayin at gagawing tingi-tingi ang pagbibigay ng mga benepisyo sa tao. Sa madaling salita, wala din mangyayari sa bandang huli.

Napakaganda sanang balato ni Pnoy para sa mahihirap na Pilipino ang Magna Carta na kanyang nai-veto. Sa wakas sana ay magkakaron na ng totoong pabahay sa lahat ng mahihirap. Magiging makabuluhan na sana ang sinasabing libreng edukasyon at higit sa lahat ay magkakaroon na ng tunay at regular na trabaho ang mga naghihirap na Pinoy. Pero ito ay mananatiling pangarap lang dahil ang gobyerno ay ayaw pang gawing pangunahing tungkulin ang mai-angat ang kalagayan ng mahihirap na Pilipino.

Wala daw pera ang gobyerno

Sa usapin na wala daw pera ang gobyerno, ito ay matagal ng sinasabi at alam na ng mga tao. Ang nakakapagtaka lang ay kung bakit wala na nga pera sa gobyerno ay napakarami pa rin ang nagpipilit na magsilbi sa pamahalaan. Aba, ay halos magsuntukan na nga ang mga pulitiko na gustong mahalal at makapasok sa gobyerno mula Kagawad hanggang Senador. Kung talagang walang pera ang gobyerno, ay bakit pa magtitiyaga ang mga mayayamang pulitiko na mahalal?

May Intriga yata dito

Imposibleng hindi alam ng mga mambabatas na hindi kakayanin ng pamahalaan ang pagpapatupad sa nasabing Magna Carta for the Poor. Matagal na deliberasyon at konsultasyon bago umusad ang panukalang batas sa Senado at Kongreso. Siguradong pinag-isipan mabuti ng mga mambabatas ang kanilang magiging boto bago ipasa sa Malakanyang at papirmahan sa president ang isang panukalang batas. Kung alam nila na hindi kayang ipatupad ang mga probisyon ng isang batas, ay bakit pa itutuloy at pag-uubusan ng panahon ang isang panukalang batas?

Isa lamang ang malinaw na lumalabas dito. Nais ng ilan sa mambabatas na maipit at malagay sa balag ng alanganin ang presidente Pnoy. Gusto nilang masabi na ginampanan nila ang kanilang tungkulin para sa mga mahihirap na Pilipino pero ayaw ni presidente Pnoy kaya wala na silang magagawa. Lalabas ngayon na kontrabida si Pnoy at hindi nagmamahal sa mga mahihirap. Gagamitin nila ang isyu sa pulitika para siraan ang presidente. Pagdating sa araw ng kampanya ay siguradong gagawin nila itong isyu.

Talo na naman si Juan Dela Cruz

Ano ba naman yan, sa pasikatan ng mga pulitiko, tayo pa ring mahihirap na Pilipino ang talo. Magpapa-gandahang lalaki at papogian sila sa tao pero sa bandang huli ay wala pa rin tayong mapapala. Tuloy lang sa paghihirap at pagsisikap na kumita ng konting barya.

Dasal ni Mang Teban

O Diyos na makapangyarihan, sana po ay tamaan ng kidlat ang mga inakay ng lintek na ginagamit lang ang mga mahihirap na Pilipino para lang makapagpayaman. Sa mga bukal ang kalooban at talagang isinusulong ay kapakanan ng mahihirap, nawa ay pagpalain kayo ng Poong Maykapal at makaisip pa kayo ng paraan para matulungan lalo na ang ating mga kababayan na nagsisilbi at naghihirap sa ibang bayan, Amen.

Sa Nagkalat na Batang Hamog Galit si Mang Teban

Sa araw-araw na lang laman ng radyo, telebisyon at pahayagan mga batang tulisan nagkalat at peste sa payapang mamamayan. Gagawa ng kabulastugan, magnanakaw, mang-aagaw, maninira, magkakalat at mame-merhwisyo sa kawawang mamamayan. Pag nahuli di naman maikulong ang mga tinamaan ng lintek at menor de-edad daw. Ipatawag mo si magulang, di naman matagpuan, ulilang lubos daw kaya nakakalat sa lansangan. Kaya naman ang ating kapulisan walang magawa kundi palayain na lamang ang mga hinayupak na batang hamog.

Ano ba naman yan! pagkalaya pa lang, balik agad sa pagnanakaw ang mga inakay ng bwisit na laging nag-aabang sa mabibiktima sa bahay-bahay at lansangan. Dito nga sa amin, may nahuling batang kawatan, ng busisiin sako nyang dala-dalahan, may laman pang rice cooker at ang sinaing nasa kainitan pa naman. Pag nahuli mo panay ang iyak-iyakan para lang patawarin at siya’y maka-eskapo na la-ang.

Dalhin mo naman sa Barangay ay wala ding magawa ang mga tanod ng bayan. Dahil daw bata ay dapat pakawalan. Hesus Maria Josef! Ganyan na lang ba palagi ang mangyayari sa ating mga tahimik na mamamayan, sa kamay ng mga batang tulisan tayo’y walang kalaban-laban.

Bulok na batas ay dapat palitan at ibalik sa dati ang patakaran. Mga batang syam na taong gulang pababa lang ang dapat ituring na abswelto sa kasong kriminal. Mga batang 10 taon hanggang 15 anyos ang gulang, pag napatunayan na gumawa o kasangkot sa paggawa ng krimen ay dapat na parusahan. Mula kinse hanggang disisyete gulang, ay dapat ng ituring na ordinaryong kriminal at bigyan na lang ng mas mababang parusa dahil sa wala pa sa wastong edad na disi-otso gulang.

Pag hindi agad inaksyunan suliranin sa mga batang hamog, baka may mga mamamayan na syang gumawa na ng paraan. Napakadali lang isako at itapon sa palaisdaan mga batang perhwisyo sa mamamayan. Hwag naman sanang mangyari pero hindi nakakapagtaka na may makaisip at gumawa ng ganitong kalupitan. Kung ang mga bata na dapat ay walang malay, nagagawang mag-walanghya, paano pa kaya ang mga mas nakakatanda?

Sa ating lipunan, malaking problema rin ang mga magulang. Sila ang dapat na ikinukulong sa tuwing anak nila’y gagawa ng kawalanghiyaan. Kung ang mismong magulang ang siyang makukulong, malaking bahagi sa krimen ng mga batang tulisan ay siguradong mai-ibsan.

Mambabatas, Magsigising kayo! Agad na amyedahan batas na pasimuno ay si Senator Pangilinan. Punitin, warakin ang batas na nagbibigay proteksyon sa mga batang tulisan. Ngayon na! at dalian nyo lamang dahil marami ng mamamayan ang nagpupuyos ang kalooban sa tindi ng galit sa mga batang hamog.